Isyu 1
   Enero 2012


   TATLONG TULA
   Bagong Lupalop
   Dalawang Tula ng Pananaginip
   Matapos ang Pagkatupok

   COLLEEN GADON

Dalawang Tula ng Pananaginip

Apoy

Sinasaligang ang siga ay isang uri ng pagkabuhay.
Sa ilalim ng malay, naalala ko ang paghagis ng metapora sa liyab.
Maaligasgas ang akyat ng usok, kinukulob ang pagkalugod.
Ang ritwal bang ito ang lumilikha ng liwanag?
Sinasabi ng hangal na hindi mabilang ang aming lehiyon.
Ibubulong ng katabing oso: wala kang kislap ng talino.
Kinabukasan, matatagpuan ang sariling isinumpa sa alimpungat.
Nalalasahan ko pa ang balahibo, may pait ng abo.
Sana’y nabanggit ko sa kanila ang alkemiya ng mga salita.
Sa iksi ng alab, sa haba ng gabi, may kasamang pumapanaw sa aking kalooban.


Tubig

Ginigising ng pangitain ng pagkalunod ang pangamba sa tubig.
Tuwing sinisilip ang dagat, bunyag ang angkin nitong singgularidad.
Kristal na di napapatlangan ang ngisi sa magkabilang sulok ng ating pananaw.
May nagsabi na bang ligtas ang sumulong o naglarawan ng itim sa ilalim ng alon?
Tila alamat lang ang daan-daang matang nakatingala sa kalatagan.
Para sa kanila, kababalaghan ang pagkauhaw,
himala ang makaligtas sa di-nagtatapos na pagduyan.
Bagama’t nanghahalina, may panganib sa ganitong uri ng pag-aruga,
sa paghalintulad ng dagat sa isang sinapupunan.
Dahil nagpapanggap ang haplos ng kati.
Paghatak nito pabalik, malulusaw pati ang bughaw.
Kung may katinuan pa sa pagpipigil, o may makapipigil pa sa bait,
saka na lang maglayag kung di na dayuhan sa ibayo nitong buhangin.