Isyu 1
   Enero 2012


   Kung Saan Nagmula ang mga Dios

   ALLAN N. DERAIN

Kung Saan Nagmula ang mga Dios
[Sipi mula sa nobelang Ang Banal na Aklat ng mga Kumag]

Sa pasimula, wala pang mga Dios na maaaring lumikha ng mga uniberso. Pero makikita nang namamasyal ang sinaunang ilong sa ibabaw ng Banging May Walang Hanggang Lalim. Naghahanap ang ilong ng kahit anong bagay na maaari niyang maamoy. Kung kaninong ilong ito, wala talagang nakaaalam, pero ito ang Ilong Na Nakaaamoy Ng Lahat, ang Animasolang Kanunununuan, Sibol na Walang Pinagsibulan at Tuldok na Walang Pagtuldukan. Ito rin ang ilong na nakatakdang mailarawan sa gitna ng tatsulok na makikita sa mga watawat at pananda ng Samahang Banal Ng Mga Kumag Sa Lupa. Sa bahaging ito ng ating kasaysayan, masasabing wala pang silbi ang kaniyang pang-amoy. Wala pa naman kasing kahit anong bagay na maaaring maamoy noon. At ito ang labis na nagpapalungkot sa kaniya.

Kasama ng sinaunang ilong ang isang ubod liit na kulisap na niknik kung tawagin. Habang palipad-lipad ang niknik sa ibabaw ng kawalan, pakiramdam niya’y nagpapaikot-ikot lamang siya sa paligid ng isang naghihikab na bangin. Hanggang minsan, upang maiba naman ang nakababagot na takbo ng kaniyang buhay, naisip niyang pasukin ang butas ng sinaunang ilong.

Matagal na rin naman niyang pinagmamasdan ang dalawang madidilim na butas na iyon habang pinag-iisipan kung ano nga kaya ang makikita sa loob niyon. Marahil, ang sabi niya sa sarili, isa sa dalawang butas na iyon ang lagusan mula rito sa wala papunta sa mayroon. Gusto niyang ipagpaalam sa ilong ang pagbisitang balak niyang gawin, pero dahil matangos kasi ang nasabing ilong kaya nahiya siya rito. Pero hindi na niya matagalan pa itong tila walang katapusang pagpapaikot-ikot sa kawalan. Mababaliw na siya, pakiramdam niya, kung hindi siya makakakita ng panibagong kapaligiran.

Kaya baon ang kaunting lakas ng loob, walang patao-po na pinasok ng niknik ang kanang butas ng ilong. Naramdaman naman ng Animasolang Kanunununuan ang pagpasok na iyon ng kulisap. Dahil dito, napabahing nang sunod-sunod ang maselang ilong. Sa bawat pagbahing, isa o dalawang Dios ang lumalabas buhat sa kaniyang mga butas.

Aba, ang sabi ng Kanunununuan sa kaniyang sarili, may naaamoy na siya sa wakas! May amoy kasi ang mga Dios na sa simula’y hindi maipaliwanag nitong ilong. Ito pa lang naman ang unang amoy na kaniyang nalanghap. Pero sa paglipas ng panahon maitutulad niya ang amoy na ito sa singaw ng lupang kababasa pa lamang ng ulan. Limang poong mahal lahat-lahat ang nagsilabas buhat sa butas ng Animasolang Kanunununuan. A, E, I, O, at U ang kanilang mga pangalan: Adra, Egosum, Iroc, Ovuv, at Utrunum—ang Cinco Vocales na siyang mga lihim na mga katagang nagbibigay kapangyarihan sa mga dasal, anting-anting, at medalyon hanggang ngayon.

Matapos maibahing ang huling Dios na si U, sumunod namang ibinahing ang mga halimaw mula sa pinakadambuhala hanggang sa pinakamaliit. Kakatwa rin ang kanilang mga amoy: may amoy asupre, alkohol, tabako, gin bulag, at ipot ng manok. Noon din, nagkaroon ng sagupaan sa pagitan ng mga Dios at halimaw kasabay ng sagupaan ng kanilang mga amoy. Pansamantalang nagwagi ang mga Dios at ang kanilang amoy.

Maraming halimaw ang napasuko. Pero sa hanay ng mga halimaw na tunay na mandirigma, pinili nila ang masawi sa laban kaysa maging bihag at habang panahong alipin ng mga Dios. Ikinalat sa Banging May Walang Hanggang Lalim ang kanilang mga bangkay matapos ang madugong combate espiritual. Mula sa kanilang mga sugat, biglang nagsilabas ang sandamakmak na mga mayang pula na tigmak sa dugo ang pula. Ang mga ibong ito ang mga espiritung gagabay sa mga bayani sa maraming mga kuwentong epiko, mito, at alamat. Darating sila sa buhay ng mga bayani sa anyo ng panaginip, awit, talinghaga, bugtong, habilin, panggagamot, propesiya, at protesta.

Huling ibinahing ng ilong ang Bundok ng Kinabuhayan na may amoy ng damong bagong tabas. Ito ang naging unang tirahan ng mga Dios. Ito rin ang naging pansamantalang kulungan ng mga sumukong halimaw.

Nang magkaroon ng sandaling kapayapaan, naging abala ang Cinco Vocales sa kanilang mga gawain. Una nilang hinarap ang pagkatha sa Buhay. Ito ang sarili nilang mga buhay kasama na ang mga buhay ng kanilang mga lilikhain. Kinatha nila ito sa isang aklat na yari sa mga pahina ng pinagbungkos na mga dagat at buhangin. Dahil pawang tubig at buhangin ang sinusulatang pahina kung kaya naman walang kahit anong salitang naisulat ang nagtatagal. Lumilipas at nabubura ang lahat na siya namang niloob ng mga dakilang lumikha.

Ngunit nang maisip ni A na ilangkap ang Kasamaang Lantay sa kanilang kinakathang Buhay, mainitang nagtalo ang lima. Umayon kay A ang mga katoto niyang sina E at O sapagka’t naniniwala ang dalawang vocales sa tayog ng guniguni ng kanilang kasama. Tumutol naman sina Iroc at Utrunum at nang hindi sila pakinggan dahil dadalawa lamang sila at tatlo ang katunggali sa diwa ay bumaba ang vocales na I at U sa banal na konseho. Iniwan nila ang tatlong divinidad na sina A, E, at O upang ang mga ito na lamang ang magpatuloy sa pagkatha. (Pagdating ng mga Kastilang mananakop sa ating bayan, higit na makikilala ang tatlong ito bilang Tatlong Persona).

Gaya ng nasasaad sa Karunungan ng Dios na aklat ng mga dasal at anting-anting, upang hindi na maulit ang ganitong hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga natirang divinidad, nang kanila namang sinimulan ang paglalang sa unang uniberso ay nagpulong muna ang Tatlong Kadiosan. Masinsinan nilang inaral ang mga pamantayan at padrong dapat nilang sundin sa pagdidisenyo ng pinakaunang uniberso. Sinangguni nila ang isa’t isa habang nakaupo sa mga tungkong bato na kung tawagi’y Piedra Mental (Bait), Piedra Crisol (Alaala), at Piedra Amor (Loob). Dahil naroroon na ang tatlong tungkong batong ito bago pa man ang paglalang, sinasabing maglalaho ang buong sansinukob ngunit mananatili ang malikhaing pagmumuni ng bait, loob, at alaala. Nang dahil naman sa tagal ng pagpupulong ng Tatlong Kadiosan, tunay na naging kamangha-mangha’t masalimuot ang kinalabasang uniberso. Pero hindi ang mga susunod na uniberso at daigdig na lilikhain ng mga susunod na salinlahi ng mga Dios. Bunsod na lang kasi ng mga madalian at walang habas na pagpapamalas ng kapangyarihan ang mga susunod na mangyayaring paglikha. Gaya na lang ng paglikha nitong mundong kinabibilangan natin ngayong mga kumag. Katunayan, may ilang Dios na nakalikha pa nga ng mga daigdig habang natutulog! Dito tuluyang magwawakas ang panahon ng Cinco Vocales. Walang kahit isa sa mga sumunod na salinlahi ng mga Dios sa Kinabuhayan ang hahalili sa pag-upo sa Piedra Mental, Piedra Crisol, at Piedra Amor.

Dahil sa mga nangyari, nakalanghap na sa wakas ng iba’t ibang uri ng amoy ang Ilong Na Nakaaamoy Ng Lahat. Naamoy niya ang pinakamabango at ang pinakamasangsang. Ilan sa mga amoy na itinangi niya ang nakalulungkot na amoy ng mga bituing malapit nang sumabog sa kalawakan, ang nakagugutom na amoy ng tostadong pulburon at ang bagong bukas na melon, ang nangangapal na amoy ng pawis ng mga magsasakang katatapos lang magsigawa sa bukid, at ang nakalalangong amoy ng mumurahing pabango ng mga lalaki’t babaeng nagbebenta ng panandaliang aliw.

Samantala, nang maligid ang loob ng pinapasyalang butas, lumabas din sa wakas ang niknik mula sa Kanunununuang Ilong. Sa kaliwang butas naman siya nagdaan sa pagkakataong ito. Nang makalabas, nakita niyang nagbago na nang tuluyan ang buong paligid na parang kay tagal niyang nawala buhat sa ginawang pamamasyal.