Isyu 1
   Enero 2012


   TATLONG TULA
   Makiling
   Abulug, Cagayan
   Sa aklatan

   FAYE CURA

Makiling

Ang amag na sa simula’y berde, pagkuwa’y itim, mumunting konstelasyong lumalawak sa gilid ng mga pahina’t laylayan ng damit. Amag na nagpapabigat nang di napapansin sa mga libro’t sinampay na malagihay. Ang hamog sa hapon, at ang lamig. Sa gabi, ang kuliglig na di nakikita ngunit naririnig. Sa umaga, ang higanteng mga bulate na napisa’t nakabulatlat sa kalsada tuwing tag-ulan. At ang ahas na pumupuslit sa damong walang kibo. Ang ahas na linalanggam sa paanan ng hagdanan mula sa silid-aralan. Ang pagkakatagpo sa kaliskis na hubog ahas sa kuwarto ng dormitoryo, matapos ang isang bakasyon. Bago magsimula ang bakasyon, sa tag-araw, ang paglagas ng mga dahon ng kamagong, at ang paikot na pagbagsak ng mga buto nito. Ang nagkalat sa lupa na buto ng isa pang di makilalang puno; butong di mabuksan dahil sintigas ito ng bato. Ang mga batong nakakalat din. Sa gilid ng kalsada, ang tahimik na sapa na buntot ng rumaragasang talon sa bahagi ng gubat na bawal puntahan kapag walang kasamang matanda. Bahagi ng gubat na patakas naming pinuntahan ng kaibigan, minsan, para maligo nang hubad, habang bata pa’t mahaba ang buhok na parang mga diwata. Ang babala na huwag susundan ang babaeng nakaputi habang naglalakad, dahil ang diwata iyon at baka ka maligaw. Ang iba pang alamat tungkol sa diwata. Kung paanong singhubog niya ang bundok na parang babaeng natutulog. Bumabalik-balik ang mga ito sa panaginip. Ang dilaw na sikat ng araw sa tuktok ng mga punong pino, imaheng hinahambing sa mga kandila sa isang lumang tula. Ang nauupos na pusong humahalukay sa sarili nito.